Categories
Pinoy

June 15 Na.

Dumaan at lumipas din ang ika-12 nang Hunyo — bakasyon na naman para sa mamamayang Pilipino. Naubos na ang komemorasyon na ibinuhos noong Sentenyal. Sabagay, nakalimutan ko rin.

Paano naman kasi, ang nakakabahala siguro sa ibang Pinoy ay kung dahil bakasyon ito, mas maraming oras para ipuwesto nang mga militar ang mga tangke para sa isa na namang coup attempt. Wala namang nangyari, sa awa nang Diyos, pero kung ito ang Diyos din ni Gloria, aba, mukhang dapat magdasal na siya nang husto.

Mukhang malagim itong mga tapes — sa transcript pa lang, malabong peke — at nakakaamoy na ako nang impeachment proceedings, kung hindi paggunaw mismo nang rehimeng Arroyo. Hanggang ngayon pa kamo tameme pa si GMA tungkol sa mga tapes. Huli kasi eh. Kapag napatunayang siya nga ang nagtatanong kay Garcillano kung madedeliver ang mga boto sa Lanao, iisa lang ang mensahe na malinaw: na dinaya ang huling eleksyon, at si FPJ ang nararapat na presidente. Alsa masa nang hindi oras (o sa totoo lang, matagal na dapat nangyari).

Lalo na’t nakaraan na ang June 12, dapat pagisipan nang husto ni GMA kung ano ang nararapat para sa bansa — hindi para lang sa kanya. Hindi tunay na mahalaga ang problema na kung sino ang papalit sa kanya; ang tanong talaga ay siya ba ay nararapat pang maging lider nang bansa. Sa lahat nang mga iskandalo na lumabas sa huling dalawang taon lamang — ang pagpalakpak nang tainga niya sa pagsapi sa coalition of the willing, ang pagpatay nang mga magsasaka sa Hacienda Luisita, ang paglubog nang ekonomiya, ang pagpaslang nang mga journalist, ang pamilya niyang mga sugalero, at ang mga anomalya sa eleksyon, atbp. — malinaw na wala na siyang credibility sa mata nang publiko.

Kamakalawa lamang ay nagpunta ako sa Robinson’s nang mga alas-diyes habang nagbubukas ito. Tinutugtog ang “Bayang Magiliw” — este, ang “Lupang Hinirang” — habang ako pumasok. Akyat ako sa escalator papuntang second floor — at biglang napahiya ako noong nakita kong nakastand-at-attention ang mga mamimili. Ilang segundo kami roong nakatayo, hinihintay lang na matapos ang kanta — at narinig namin ang huling linya, at kami’y nagkawatak-watak, upang hanapin ang aming imamalengke.